Tuesday, December 8, 2009

PEACE NA, MISS.

MAY BAGO NA! OHLALA!


INNER PEACE Y'ALL!

Paulit-ulit ko 'tong sinasabi, hindi dahil mediocre akong tao, at hindi rin dahil playing safe ako, ayoko lang kasi ng gulo, o away. Hindi ko alam kung bakit pero ako siguro ay lapitin ng away o gulo. Tantanan na lang nila sana ako. Mahal ko kasi ang tahimik kong buhay, hanggang sa isang payapang araw...

PARA SAKIN, GALING SA KANYA:

"YEAH DI IMPORTANT SAKIN ANG MGA PANGONG MALALAPAD ANG ILONG NA SINGKIT AT LUWA ANG MATA. WUTDAHECK UST KA LANG MAS MATALINO KAMI! :))))))"

Oops! Teka lang, iha. Maghunustili ka muna. Ayoko sanang matawa, ayaw ko rin lumabas ang aking paigiging makata. Pula ba iyan o papuri? Perpekto ka sigurong nilalang na nasa mataas na uri. Kung ganon man, sige ikaw na ang maghatol kung sino ang maganda at pangit, alam mo rin ba ang kasabihang: "bato-bato sa langit, ang pikon ay siyang pangit?"

Hindi ko alam kung ano ang kinakagalit ng taong ito sakin, samantalang umiiwas na nga ako sa gulo na napasukan ko. Inuulit ko, GULO KO, hindi niya, hindi ni ano, akin lang, hindi ko alam kung bakit bigla na lang siya nagalit ng ganito sa akin. Ayoko na din sigurong alamin.

Eto na naman ako haharap sa isang napakalabong bagay, gulo.

Miss, kung nagalit ka man sa akin dahil binura kita sa listahan ko sa FB at sa iba pang lugar sa internet, wag ka na maasar. Wala naman personalan 'to. Ayoko na lang ng gulo. Isa pa lilinawin ko hindi ako naduduwag sa iyo, ayoko lang ng away o gulo. Mahirap ba intindihin 'yon? Kung nahihirapan at naguguluhan ka, ganun din naman ako sayo, nang-aaway ka sa hindi ko maintindihan na dahilan, so kwits lang tayo.

Isa pa, miss. Ayoko ikumpara ang sarili ko sayo. Kung sarili mo din lang ang basehan mo sa paghuhusga mo sa iba, sige malamang pangit na ako at matalino ka at di hamak na mas madami ang nagkakandarapa sayo. Pero isang bagay lang, miss. Perpekto ka na sana, konting bago lang sa iyong pakikitungo sa iba.

Kalmahin lang sana natin ang ating mga sarili. Ayoko na pumatol sa issue, miss. Ayoko bumalik sa level 1. :)


INNER PEACE Y'ALL v(-_-)v

DINIG SANA NILA

MAY BAGO NA! OHLALA!

Kung ang pag-ibig ay bulag, pepwede rin kaya siya na maging bingi?

...

Minsan talaga malaking impluwensya ang mga magulang ko sa mga desisyon ko sa aking buhay. Lalo't halimbawa kanina lamang kung kelan sinisipag akong gumawa ng mga takdang aralin...

"Tara, SM tayo."

Right on time, nanay!

Kaya naman kinapalan ko na ang mukha ko sa pag-iwan sa tambak na gawain at pamamasyal na muna sandali ang atupagin. Stress-reliever naman 'to, palusot ng batugan na tulad ko. Wala munang aangal, nakakawindang naman kasi kapag graduating ka na at may 'thesis' na kayong subject.

At namasyal nga kami, si nanay tatay ate at bunso, napadpad sa food court at nahuli na naman akong bagot sa postura kong mala-NINOY pose at nakatingin sa madlang dumaraan sa tabi. At nakita ko sila -- deaf people, nakikipag-usap sa isa't isa, mga senyas ang gamit, mga mukhang sumisigaw ng emosyon, at tahimik ang kanilang paligid.

Alam ko nakaka-ilang ang titigan ang kapwa mo, pero hindi ko maiwasan ang matuwa habang pinapanood ko silang makipag-usap sa isa't-isa, na halos napatingin ng dalawang beses ang isa sa kanila sakin dahil nahuli niya akong nakangiting pinapanood sila. Siguro napag-usapan na din nila ako noong mga sandaling yon:

"Kung tayo bingi, yung isa naman dun, baliw!" *bwahahahahahaha*

Ang tibay, halos 20mins ko silang pinapanood na halos di ko na nakain ang biniling tokneneng ni mama sa akin. Nakakatuwa lang talaga ang eksena, masaya ang kanilang usapan, alam ko 'yon. Nakikita ko sa kanilang mga itsura, nagliliwanag. Sa kanila ko rin napagtanto na napakareklamador at salbaheng kong tao, kung paano at hindi ako makuntento sa bagay na meron ako:

Hinihiling ko dati ang magkaroon ng iPod kahit na may mp3 player na ako. Burado na ito sa wishlist ko simula ngayon.
Hindi ako nakikinig ng maayos sa aking mga guro, sa payo ng mga tao sa paligid ko, sa sermon ng mga magulang ko, sa taong may tulong na hinihingi sa akin, sa mga taong may problema at sa pagsasara ko ng sarili ko sa kanila.
Ipinagkakait ko lang talaga ang mga bagay na pwede ko naman ibahagi sa iba. At 'yung mga bagay-bagay na hindi ko makuhang mapasalamatan, pero hinahangad ng iba.





Monday, November 30, 2009

MAILMEN ng buhay ko

MAY BAGO NA! OHLALA!



Dumadaldal na naman ako ngayon, akalain mong parang noong isang linggo lang ako huling nagkwento dito sa outer space. May naalala lang kasi ako kani-kanina habang tinitignan ko ang notebook ko noong 2nd year college pa lang ako, halos 10 pahina lang ang nagugol ko sa pagsusulat o pagtetake down ng mga notes, at halos kalahati naman ng buong notebook ko puno ng mga drawing, gure, drowing ulit, lyrics ng kanta, quotes, kwento, flames, atbp. Kaya naman hindi na ako magtataka kung bakit ako palaging nangangamote sa mga pagsusulit namin, wala akong notes na matino para pag-aralan.



Ang mga sulat na nabibigay sakin, iniingatan ko talaga, sentimental kasi akong tao. Para na rin basurera, lahat ng pepwedeng ingatan at itago, itatago ko talaga, minsan din kasi, mali, madalas din kasi ulyanin ako, gusto ko lang may naaalala ako. Kaya naman naisipan kong ligpitin ang mga umaapaw kong kayaman noong isang matyagang araw.



At sa paghahalukwat ko ng aking mga notebook dun ko din natagpuan ang napakadaming, ehem, ehem, love letters. Ehem ulit, ehem. Malalang TB na ba ito o ano?


Halos 3 tao lang ang nagbigay sa akin ng love letter. Seryoso. Hindi ko alam dahil siguro nauso na din ang text messaging kaya ganun, pero kapag sa text ko lang mababasa ang mga malalambing sa sinasabi ng isang tao, misan konti o di kaya walang epekto sa akin yon. Pinadaanan ko lang ng pagbabasa, madadaan na din sa limot pagkatapos, sabay bura sa telepono na napupuno na ang memorya.

Sa una kong love letter galing sa unang mailman ng buhay ko noong first year HS, halos ilang buwan ko din tinago iyon, nilagyan ko ng scotchtape ang napupunit nitong dulo sa sobrang kaingatan ko. Hindi ko alam pero siguro dahil na rin unang love letter at unang kabaduyan ko iyon. Hindi ko alam kung nasaan na yon ngayon, pero hanggang ngayon natatandaan ko pa rin ang love letter ko na yon: kulay dilaw na stationery, malinis na isinulat gamit ang kulay asul na tinta ng ballpen, para sa akin, galing sa kanya. KILEG.

Sa pangalawa kong love letter na natanggap galing sa pangalawang mailman, 'yon na ata ang pinaka sincere na love letter na natanggap ko pero diniretso ko lang agad sa basurahan iyon. Masyadong sincere, feeling ko I don't deserve his love. Echos. Salbahe ako, oo.

Sa pangatlong love letter, ay mali letters pala galing sa pangtalong mailman ng buhay ko, ah, siya na ang may pinakamaraming binigay sakin, estimated:20plus. ganon kadami. May nakacard, notebook, pilas sa notebook, bookmark, pabalat ng tsokolate, yellow paper, at iba pa. Lahat ng iyon inipon ko, inipon ko para itapon lamang. Kasi ganon ata talaga kapag nasaktan ka ng isang tao at ayaw mo ng mga bagay-bagay na magpapaalala sayo ng tungkol sa kanya.

Pero kahit nga naitapon ko ang mga sulat, ang mga love letter ng mga mailmen sa buhay ko, hindi ko na din siguro malilimutan ang mga bagay-bagay na naisulat nila para sakin. Ulyanin nga ako, pero kapag kasi sulat ang binigay sayo, may mga oras na babasahin mo iyon hanggang sa, di mo sinasadya, tumatak na ito sayo. Mag-iiwan na rin ng alaala sa munting kokote mo.

Ayoko na din siguro munang makatanggap pa ulit ng isa pang love letter galing sa panibagong mailman na maligaw sa bahay o buhay ko. Ayoko kasi na baka kapag ulit-ulitin ko ang pagbabasa sa sulat niya, isang araw itapon ko na naman, tulad ng sa iba, ang mga matatamis na sinabi niya.



Wednesday, November 25, 2009

SAMPAL SA BUWAN

MAY BAGO NA! OHLALA!

Oo alam ko mali ang "Sampal sa buwan," dapat kasi suntok sa buwan, diba? Pero maiba naman tayo, diba? Bigla ko lang kasi naalala ang sarap na masampal ka, at makasampal ng iba. Ang sarap sa feeling. Walang halong akting.

SAMPAL NG PAGKATUTO

Ito ang sampal na may kasamang dagdag bait sa isang tao. Naalala ko ang pag-gagala ko noon sa aming bayan. Isang araw inabot ako ng alas-syete y medya ng uwi. Hindi iyon nagustuhan ng aking tatay kaya nadala siya ng kanyang emosyon at nasampal niya ako. Sabay yakap at suyo sa akin at sinabing "Nag-aalala lang kami sayo, Cat." Kaya simula noon ay hindi na ako umuuwi ng mas gagabi pa sa alas-sais, The end.

Kill joy na ito para sa aking barkada, pero ayoko na uli ang masampal pa. Bukod sa masakit e hindi ko na din maatim pa ang maturing akong walang bait sa bahay namin, sa paningin nila itay sakin. Kasi kung tutuusin tumatanda na talaga ako, nasa itsura ko lang talaga na mukha akong batang walang bait at walang bahid ng hirap sa buhay. Sa maniwala ka man o hindi, pwedeng-pwede na ang isapelikula at malugi ang prod house kapag napili nila ang aking istorya.


SAMPAL NG KALOKOHAN

Ang dati kong irog, halos sakitan lang ang alam namin gawin imbes na maglampungan. Mas maganda na rin siguro ang ganun. Lokohan lang naman kasi. Akalain mo na nauwi talaga ang lokohan namin sa literal, lokohan. Ay wala na ako masasabi pa tungkol diyan, heh heh.

May kaibigan ako na halos casual na casual na ang gawing pampalipas oras ang pagsampal sa mukha ko. At kapag tinotopak talaga siya sinasampal niya na lang ako ng kusa, tatawa na din ako ng kusa pagkatapos ng biglaang pangyayari. Wala naman kasing kaso sa akin iyon. Lokohan lang din naman. Walang personalan.

SAMPAL SA BUWAN

Sabi ko noon gusto ko maging direktor, sampal sa buwan. Sabi ko rin gusto ko maging manunulat, sampal sa buwan. Sabi ko rin dati gusto ko maging abogado, ito pagbomba sa buwan na ito. Heh heh. Sa dinami dami ba naman ng gusto ko, hindi ko na alam kung saan ako mauuwi. Kung bakit naman kasi may mga asungot na magpaparamdam sayo na hindi mo kaya ang ganitong bagay, na hindi mo mahihigitan ang iba.

Wala talaga sa mentality ko ang paghigit sa iba, hindi ako ganon. Ang sa akin lang, gusto ko masabi ko sa sarili ko na: "Ang galing, galing mo talaga, KT." Yun lang, wala naman kasing sense ng kumpetisyon sa akin. Ayoko nun. Sarili ko ang iniisip ko dito, ang aking EGO. Yon lang. May isang beses kasi, nasa isang kumpetisyon ako, at pumusta ang lahat sa kalaban ko, wala sa akin, sabay udyok sa akin ng kalaban ko na magpatalo na ako, alam mo ba ang ginawa ko?

Nagpatalo ako. Kasi anak ng teteng sino ang gaganahan magpursige sa ganong kumpetisyon? At ang kumag na nagtagumpay, abot tenga ang ngiti. Sige matuwa ka lang.

Kung hindi ako magpapatalo, sigurado ikaw ang OLATS.

Di bale, nadyaryo naman ako nung NOV.24 sa Manila Bulletin. BOOYAH! :P

Sunday, November 15, 2009

SULIT

MAY BAGO NA! OHLALA!

Matagal-tagal na rin bago ako maglagay ng kwentong barbero dito. Naisipan ko lang magkwento dahil sabi ng isa kong kaibigan hindi ko na daw nabibigyang buhay ang site ko dito. O sige, bigyan natin ng buhay ang site na ito. Corny a.

Hindi rin siguro dahil wala akong maikwento, ang totoo madami akong pwedeng ikwento dito. Yun lamang, hindi ko alam kung papaano. Halo-halo special. Nagdaan na ang undas, sembreak, enrollment, unang linggo ng pasukan.

At oo nga pala, huling semestre ko na ito sa pinakmamahal kong eskwelahan. Kapag naiisip ko na graduating student na ako kinikilabutan ako, pero mas lamang naman yung pakiramdam na masaya ako, sabik. Kaya naman nung nagkita kami ng kaibigan ko, itinanong niya sa akin ang pambansang tanong para sa mga graduating students:

"Ano ang balak mo after grad?"

Lagot. Pwedeng pakiulit?

"Ano ang balak mo after grad?"

Pass muna ako sa tanong na iyan. Kasi sa totoo lang hindi ko pa alam kung saan ako mapapadpad sa susunod na taon. Naiingit akong marinig ang mga kakilala ko na may malinaw na landas na tatahakin sa susunod na taon. May plano na agad sila. Ako wala pa. Napakabilis naman kasi ng mga pangyayari, parang kahapon lang kinder ako at tahimik na nakikinig sa titser kong makulit habang lipad ang isip. Walang pinagbago, hanggang nagyon madalas na lipad parin ang aking isip.
Pati kaisipan ko pumapakawala na, ayaw na siguro sa akin.

Lahat nakadepende parin, marami pa naman pwede mangyari na pwede ring makapagpabago sa desisyon at mga plano ko sa buhay. Ay wala pa nga pala akong plano sa buhay. Pero alam ko naman kung ano ang gusto kong mangyari pagdating ng panahon. Pagdating ng panahon.

Sa ngayon ang gusto ko lang sulitin ang *marahil* huling sandali ko bilang isang estudyante. Sulitin ang mga sandali habang naaaliw pa ako sa mga nangyayari sa buhay ko. Sulitin ang mga sandali kasama ang mga importante at mga taong biglang sumusulpot sa buhay ko.

SULIT NA SULIT TALAGA.